IATF, tatalakayin ang rekomendasyon ng NEDA na isailalim na sa Alert Level 1 ang buong kapuluan

Agenda sa Inter-Agency Task Force (IATF) meeting bukas ang rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA) na isailalim na sa Alert Level 1 ang buong bansa.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, tatalakayin sa pulong kung pasok sa metrics o mga pamantayan upang tuluyan nang maibaba sa pinakamababang level ang buong Pilipinas.

Kabilang dito ang tuluyang pagbaba ng mga aktibong kaso, pagbaba ng 2-week growth rate at average daily attack rate (ADAR) gayundin ang healthcare utilization rate (HCUR), 70% ng eligible population ang bakunado at 80% ng mga nasa A2 o senior citizens ang bakunado na.


Sinabi ni Andanar na ayaw niyang pangunahan ang magiging desisyon ng IATF at mas mainam na hintayin na lamang ang magiging pasya hinggil dito.

Nabatid na hanggang March 15 ay naka-Alert Level 1 ang Metro Manila at 38 iba pang mga lugar sa bansa habang ang natitirang mga lugar ay nasa ilalim ng Alert Level 2.

Facebook Comments