Ipinalalantad ng isang kongresista sa Kamara ang iba pang posibleng katiwalian ng Department of Health (DOH) sa oras na sumalang ito sa 2022 budget deliberation.
Ang pahayag ng mambabatas ay kaugnay na rin sa natuklasang Commission on Audit (COA) report na P67.23 billion ang deficiency sa budget ng DOH na dapat sana’y gagamitin sa pantugon sa pandemya.
Ayon kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, dapat na mabusisi ng husto kung paano inilalaan at iginugugol ni Health Secretary Francisco Duque III at ng iba pang health officials ang pondo ng departamento partikular na sa COVID-19 response fund.
Maliban sa nakaraang budget ay pinaiisa-isa rin ang budget allocation ng ahensya sa susunod na taon.
Mahalaga aniyang malaman ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung paano ginagastos ng DOH ang napakalaking pondo para sa COVID-19 response dahil ito ay pinagpaguran ng husto ng mga mambabatas para lamang maibigay ang pangangailangan sa paglaban sa pandemya.
Batay pa aniya sa COA report, aabot sa halos P11.89 billion ang pondong bigong nailaan ng DOH hanggang sa katapusan ng December 2020 na dapat sana’y alokasyon para sa pagbili ng mga medical equipment at supplies at pag-hire ng mga dagdag na health workers.