Naglatag ng mga dahilan ang isang Infectious Disease Expert kaya hindi nakabalik sa second dose ang ilang vaccine recipient sa bansa.
Ayon kay Dr. Minette Claire Rosario, miyembro ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), kasama dito ang posibleng pagkasakit o na-expose sa COVID-19.
Pero giit pa ni Rosario, hindi sapat na gawing dahilan ang pagiging malayo ng lokasyon ng vaccination site dahil may mga pasyente talagang hirap o hindi makapunta sa lokasyon ng pagbabakuna.
Nabatid na batay sa ulat ni Dr. John Wong sa isang town hall forum nitong Miyerkules, nasa 1 milyon o kalahati ng mga Pilipino ang hindi nakasipot para matanggap ang second dose ng kanilang vaccine.
Pero nilinaw ito ng Department of Health (DOH) na nasa 113,000 indibidwal o 9 porsiyento lang ang na-defer o naantala ang pagtanggap ng second dose.
Nagpaalala naman si Rosario sa kahalagahan ng pagkompleto ng 2 dose ng COVID-19 vaccine kung saan isa na rito ang posibleng matamaan muli ng COVID-19.