
Bukod sa 15 mga pulis na kasalukuyang nasa ilalim ng restrictive custody ng Philippine National Police (PNP), may iba pang personalidad na posibleng sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, natukoy na nila ang ilang indibidwal na ayaw muna nilang pangalanan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sabi ni Torre, mino-monitor na nila ang kilos ng mga naturang personalidad at handang kumilos ang PNP saka-sakaling lumabas na ang warrant of arrest laban sa mga ito.
Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng Pambansang Pulisya sa Camp Crame ang 15 pulis na iniimbestigahan, kabilang na ang isang Lieutenant Colonel na pinakamataas na ranggo sa grupo.
Ayon pa sa ulat, lahat ng 15 ay aktibong pulis, maliban sa isa na malapit nang magretiro at tatlong nauna nang napatalsik sa serbisyo.
Ang ilan sa kanila ay naka-assign sa mga regional offices habang ang iba naman ay mula sa Area Police Command at support units.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa high-profile na kaso na kinasasangkutan ng 34 na nawawalang mga sabungero na di umano’y inilibing sa Taal lake.









