Umapela si Senator Risa Hontiveros sa Department of Health (DOH) at sa PhilHealth na gawan ng paraan na mapaliit ang gastos ng mga nagpapa-dialysis sa kabila ng plano na palawakin sa 156 ang hemodialysis sessions mula sa kasalukuyang 90 sessions.
Kahit kasi may PhilHealth coverage at balak pang palawakin ang coverage ng dialysis sessions ay napapagastos pa rin ang ilan sa mga mahihirap na kababayan para sa medical items at antibiotics na kailangan na kadalasa’y umaabot ng P1,000 hanggang P1,500.
Ayon kay Hontiveros, umaasa siyang pagtutulungan ng DOH at ng PhilHealth na bawasan ang ‘out of the pocket expenses’ ng dialysis patients.
Hiniling ng senadora na pag-aralan ng mga ahensya na masakop o maisama sa medical assistance program ang mga gamot at iba pang medikal na pangangailangan.
Sa kabilang banda ay welcome naman sa mambabatas ang pahayag ng PhilHealth na planong i-expand ang dialysis coverage.
Agad na pinakikilos ni Hontiveros ang PhilHealth na maglabas kaagad ng policy guidelines para rito upang agad na mapakinabangan ng mga pasyente.