Pagpapaliwanagin sa susunod na pagdinig ng Senado ang mga natuklasang iregularidad sa loob ng Sitio Kapihan matapos ang isinagawang ocular inspection ng Senado sa pangunguna ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, dapat maipaliwanag ni Senyor Agila o Jay Rence Quilario at ng iba pang lider ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) ang tungkol sa iligal na sementeryo kung saan ilang labi ng mga bata o sanggol ang nahukay ng mga rumespondeng awtoridad doon.
Kasamang nagtungo sa Sitio Kapihan ang mga staff ni Hontiveros kung saan isa sa mga nahukay ang anak ng isang myembro ng SBSI na si alyas Dennis na namatay noong 2021 matapos na tanggihan ni Senyor Agila na maibaba ito sa lungsod para maipagamot.
Kabilang din sa bubusisiin sa susunod na pagdinig ang kawalan ng record ng SBSI sa mga pumanaw na miyembro, lalo na kung saan inilibing at ano ang ikinamatay gayundin ang posibleng paglabag ng grupo sa code on sanitation.
Aalamin din kung nasaan at ano ang kalagayan ng mga batang ipinanganak na bunga ng child marriages matapos makumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi bababa sa 22 ang forced marriage sa mga bata sa loob ng Sitio Kapihan.
Sinabi ni Hontiveros na mas malala pa kesa sa kanilang inaasahan ang naabutan ng kanyang mga staff na dapat masiyasat ng husto ng mataas na kapulungan ng Kongreso.