Uungkatin din ng mga senador ang iba pang mga isyu ng dating pulis na sangkot sa nagviral na road rage na si Wilfredo Gonzales.
Kabilang na rito ang mga kasong kinaharap noon at ang retirement benefits na ipinababalik ng Philippine National Police (PNP) kay Gonzales.
Sa darating na Martes, idaraos ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon tungkol sa nangyaring road rage incident kung saan kinasahan ni Gonzales ng baril ang siklistang nakaalitan sa daan sa Quezon City.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, dapat naibalik na ang pera na hindi naman nararapat para kay Gonzales pero hanggang sa ngayon ay hindi niya ito sinunod at patuloy na binabalewala ng dating pulis ang utos.
Naunang inihayag ng PNP na 2016 nagretiro si Gonzales kung saan mula sa taong ito hanggang 2018 kung saan naman naharap ito sa patong-patong na kaso ay ipinasasauli ng pulisya sa kanya ang mga naibigay na retirement benefits.
Samantala, hiniling naman ni Tolentino na magkaroon ng continuing orientation at re-evaluation sa hanay ng mga pulis para masuri kung nararapat pa ba na magtrabaho sa operasyon o sa loob na lang ng opisina.
Umapela rin ang senador sa PNP na magtalaga ng private sector na bihasa sa human resources upang mapalakas ang Human Resources Office ng institusyon at hindi lang iyong galing sa mga ranks na dahil kapwa pulis at tropa ay inilulusot na sa recruitment.