Iba pang kasabwat ng 2 Chinese nationals na dumukot sa 3 POGO workers, hinahanap na ng PNP-AKG

Pinaghahanap na ngayon ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang iba pang posibleng kasabwat ng 2 Chinese nationals na naaresto dahil sa pagdukot ng 3 kapwa-Chinese na POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) workers.

Ito’y matapos na mailigtas ng Meycauayan City Police at PNP-AKG noong Nobyembre 10 ang 2 Chinese kidnap victims na kasamahan ng unang kidnap victim na nakatakas sa mga kidnapper at nagsumbong sa mga awtoridad.

Dinukot ang 3 noong Nobyembre 4 sa Parañaque at dinala sa safehouse sa Jemuel Street, Metrogate Complex, Barangay Pandayan, Meycauayan City, Bulacan.


Ayon kay AKG Director Police Brig. General Cosme Abrenica, ito ang unang kaso ng kidnapping ng mga POGO worker sa taong ito.

Malamang aniya na may iba pang kasabwat ang 2 arestadong suspek dahil kailangan ng mas maraming tauhan para dumukot ng 3 biktima.

Sinabi pa nito na ang dalawang suspek ay sinampahan na ng reklamong Kidnapping for Ransom at Serious illegal Detention, at paglabag sa RA 10591, o Illegal Possession of Firearms sa Department of Justice at iniimbestigahan kung may iba pang kasong kinakasangkutan ang mga ito.

Facebook Comments