Iba pang kompanya na sangkot sa maanomalyang flood control projects, posibleng hindi na rin payagang sumali sa procurement projects

Nakahanda ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) na kanselahin din ang PhilGEPS membership ng iba pang kumpanyang sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-blacklist ang lahat ng contractor na sangkot sa kontrobersiya.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, naka-high alert ang PS-DBM para agad na kanselahin ang membership ng iba pang kumpanya gaya ng SYMS Construction Trading at Wawao Builders.

Ito ay sakaling lumabas ang opisyal na blacklisting order mula sa Department of Public Works and Highways.

Batay sa New Government Procurement Act, ang pagba-blacklist ay awtomatikong nagreresulta sa pagkakansela ng PhilGEPS membership.

Dahil dito, hindi na makalahok ang naturang mga kumpanya sa anumang procurement project ng pamahalaan.

Una nang kinansela ng PS-DBM ang PhilGEPS membership ng siyam na kumpanya na pag-aari ng kontrobersiyal na contractor na si Sarah Discaya.

Facebook Comments