Umapela ang mga kongresista sa Makabayan na isama rin sa agad na mabibigyan ng kompensasyon at mga benepisyo ang iba pang magsisilbi ngayong eleksyon 2022.
Una rito ay lubos na ikinalugod ng mga mambabatas ang pahayag ng Commission on Elections o COMELEC na “in cash” na ang ibibigay na honoraria, travel allowance at iba pang benepisyo para sa mga guro at iba pang kawani ng Department of Education o DepEd at mga volunteers na magsisilbing myembro ng Electoral Boards (EBs).
Bukod dito ay nagpapasalamat din ang mga kongresista sa “commitment” o pangako ng COMELEC na maibigay agad ang mga benepisyo 15 araw matapos ang May 9 election na naaayon lamang sa Republic Act 10756 o Election Service Reform Act (ESRA).
Magkagayunman, hirit ng Makabayan na isama na rin sa agad na mabibigyan ng benepisyo ang lahat ng mga magiging bahagi sa eleksyon hindi lamang ang mga magsisilbing Board of Election Inspectors (BEIs).
Hiniling na agad ding mabigyan ng benepisyo ang mga tauhan ng Department of Education Supervisor Official (DESO), DESO safety protocol support staff, DESO technical support staff, at mga medical personnel.
Anila, ang mga ito ay katuwang ng ating mga guro sa pagtiyak ng patas, mapayapa at ligtas na eleksyon sa gitna ng pandemya.