Nagpalabas ang Senado ng summon para sa iba pang miyembro ng Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM) na sangkot sa kontrobersyal na pagbili ng P2.4 billion na overpriced na laptops para sa guro ng Department of Education (DepEd).
Nais ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Francis Tolentino na dumalo sa susunod na pagdinig ng komite ang iba pang opisyal ng PS-DBM na pumirma sa price analysis document para sa pagbili ng mga laptops para sa mga guro.
Ang nasabing dokumento ay una nang iprinesinta sa pagdinig kahapon sa Senado kung saan nakalagay rito ang quotation ng supplier sa bawat unit price at kabuuang halaga ng mga laptops.
Agad na inatasan ni Tolentino ang committee secretary na padaluhin sa susunod na pagdinig si Sharon Baile, ang Procurement Division officer-in-charge at ang deputy nito na si James Gabilo upang pagpaliwanagin.
Sa pagdinig kahapon, una nang nagisa ang mga opisyal ng DepEd kung saan kapwa tinanong nina Senators Alan Peter Cayetano at Ronald “Bato” dela Rosa kung sino sa mga Undersecretary o Assistant Secretary ang nag-apruba sa pagbili ng laptops at bakit pumayag na bilhin ang mga ito.
Nagmatigas si dating Education Usec. Alain Pascua na wala umano silang inaaprubahan na pagtaas sa presyo ng laptops habang nanindigan si dating Education Secretary Leonor Briones na hindi nila inimbento ang pagpasa sa PS-DBM ng pagbili ng items.
Giit ni Briones, ginagawa nila ang pagpapaubaya sa PS-DBM sa procurement ng mga items kapag kailangan ng ipatupad ito at gahol na sa oras.