Maituturing na “worthless” na rin ang iba pang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya.
Kasunod kasi ito ng sinabi ni Pangulong Duterte na “campaign joke” o biro lamang noong kampanya ang pangako niya na magje-jet ski patungong Spratly Islands sa West Philippine Sea (WPS) para ilagay ang watawat ng Pilipinas.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, wala na ring kwenta ang mga pangako noon tulad ng “change is coming” na isang malaking “joke at scam.”
Bukod sa jet ski bravado, bigo rin ang Pangulo na tuparin ang pangako nito na tatapusin ang problema sa ilegal na droga sa loob lamang ng ilang buwan, pagtuldok sa labor contractualization, pagpuksa sa korapsyon at pagsusulong ng usaping-pangkapayapaan.
Paalala naman ni Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na hindi “joke” o biro ang pagiging Pangulo.
Giit ni Zarate, marami sa mga Pilipino ang hindi ito inintindi nang literal dahil ang inaasahan ng mamamayan sa Pangulo ay igiit ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at ipagtanggol ang soberenya ng bansa laban sa China.