Hinimok ni House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera ang iba pang mga opisyal na sangkot sa katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mag-resign na rin tulad ng ginawa nina PhilHealth President and CEO Ricardo Morales at Senior Vice President for Legal Sector Rodolfo del Rosario Jr.
Ayon kay Herrera, welcome sa kaniya ang pagbibitiw na ginawa ng dalawang opisyal ngunit sana ay tularan na rin ito ng iba pang PhilHealth officials na may kinalaman sa korapsyon sa tanggapan.
Umaasa si Herrera na ang resignation ng dalawa ay maging hudyat para simulan ang “honest to goodness” na paglilinis sa loob ng state health insurer.
Direkta namang nanawagan ang lady solon sa iba pang mga PhilHealth officials na sangkot sa iregularidad na umalis na agad sa pwesto at iligtas ang ahensya sa tuluyang pagkasira.
Kung magbibitiw sa pwesto ang lahat ng officers na dawit sa korapsyon ay mabibigyan aniya ng pagkakataon ang bagong set ng mga opisyal na maglatag ng reporma sa PhilHealth tungo sa patas na access sa dekalidad at abot-kayang health care services sa mga Pilipino.