Iba pang posibleng tumanggap ng suhol mula sa Smartmatic, iimbestigahan din ng Comelec

Magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Elections (COMELEC) upang alamin kung may iba pang posibleng tumanggap umano ng suhol mula sa dating poll provider na Smartmatic.

Ito ay matapos na ma-indict ng United States Department of Justice sina dating Comelec Chairman Andres Bautista at tatlo pang executive ng Smartmatic dahil sa isyu ng umano’y panunuhol sa dating namumuno sa poll body.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bahagi rin ito ng iniimbestigahan ng binuong panel of investigators.


Layon nitong alamin kung may anomalya sa bidding noon at kung sino ang mga sangkot.

Pagdating naman sa usapin kung nakaapekto ang desisyon ng US-DOJ sa kasalukuyang petisyon ng Smartmatic sa Supreme Court, sinabi ni Garcia na ilalagay rin nila ito sa manifestation na ipapasa kapag pinasagot na sila ng Korte Suprema.

Sa kasalukuyan, may nakahaing petisyon sa SC ang Smartmatic matapos silang i-disqualify ng Comelec sa paglahok sa 2025 elections dahilan para makuha ng MIRU Systems Inc. ang kontrata.

Una nang inaakusahan ni Garcia ang dating poll provider na nasa likod umano ng paninira sa kaniya gaya ng pagpapakalat na meron siyang mga offshore bank accounts, bagay na itinanggi naman kahapon ng Smartmatic.

Facebook Comments