Iba pang uri ng sugal, ibinabala na posibleng maging talamak na rin sa online

Nagbabala si dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na posibleng magsisunuran pa ang ibang uri ng online gambling sa bansa.

Ito ay matapos na makalusot kamakailan sa House Committee on Ways and Means ang panukala na nagbibigay ng 25 taong prangkisa sa Visayas Cockers Club, Inc. para makapag-operate ng off-site betting stations saanmang panig ng bansa.

Sinabi ng kongresista na oras na tumatag at kumita na ng malaki ang e-sabong ay tiyak na susunod na rin ang iba pang uri ng online sugalan.


Tinukoy ni Cayetano na maraming problema na dala ang lumalalang pandemya ng online sabong tulad ng pagkabaon sa utang at kawalan ng maayos na regulasyon.

Dagdag pa ng mambabatas, bagamat nakalikom ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa e-sabong ng kita na P2.8 billion para sa gobyerno, napakaliit lamang nito kung ikukumpara sa halaga ng pinsala na maaaring idulot pa ng online gambling.

Dahil dito, hinimok ng kongresista ang pamahalaan na magdeklara ng polisiya laban sa bagong pandemya na “online” sabong at sugal.

Facebook Comments