Manila, Philippines – Inakusahan ni Albay Rep. Edcel Lagman na may kumpas ni House Speaker Gloria Arroyo ang pagkakabasura ng impeachment complaint laban kina Chief Justice Teresita de Castro at anim na Associate Justices.
Ito ay matapos pagbotohan sa House Committee on Justice na “insufficient in substance” ang naturang reklamo sa mga Mahistrado sa botong 23-1.
Ayon kay Lagman, napaka-obvious na ang presensya ni Speaker GMA sa paguumpisa ng pagdinig para tukuyin kung may sapat na laman ang reklamo ay maituturing na ‘signal’ para ibasura ang impeachment complaint.
Halata din aniya ito sa naging botohan sa komite kung saan sa mga myembro ng Justice Committee tanging si Siquijor Rep. Rav Rocamora lamang ang bumoto na “sufficient in substance” ang kanilang reklamo.
Sinabi naman ni Akbayan Rep. Tom Villarin na makikita din sa ‘demeanor’ o kilos ng mga kongresista na gusto na nilang ibasura agad ang reklamo.
Aminado si Villarin na mas binibigyang pansin ng mga kongresista ang budget season at ang nalalapit na eleksyon.
Ikinalungkot naman ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na sana ay nabigyan ng pagkakataon na makapasa sa substance ang kanilang reklamo upang napag-usapan at nahimay ng husto ang impeachment.
Sa tanong naman kung i-a-apela ng mga complainants ang desisyon ng Kamara sa naibasurang impeachment, malabo na ito at ipauubaya na lamang nila ito sa iba.