Ibang Diskarte ng Pagtatayo ng Community Pantry, Pinangunahan ng Isang SK sa Tuguegarao City

Cauayan City, Isabela – Mayroon namang bagong pakulo ang Sangguniang Kabataan ng Cataggaman Pardo sa Tuguegarao City sa pagtatayo ng Community Pantry.

Ayon sa SK Chairperson na si Villamor Attaban, tinawag nilang Green-Win/ Community Pantry ang kanilang proyekto.

Ang patakaran sa nasabing pantry ay bago makakuha ng libreng gulay at grocery item ang mga ka-barangay nila, hinihikayat muna silang magdala ng alinmang kalakal gaya ng mga plastic bottle, bakal, bote o karton.


Sinabi ni Attaban na ang bawat dadalhin ng kanilang ka-barangay ay may katumbas na makukuha mula sa kanilang Community Pantry.

Gayunpaman, nilinaw ni Attaban na kung wala talagang maidadalang mga kalakal ang kanilang mga kukuhang ka-barangay ay wala naman aniyang magiging problema at makakakuha pa rin naman sa kanilang Pantry.

Layunin ng nasabing proyekto na matulungan ang kanilang mga ka-barangay ngayong panahon ng pandemya at ipaalala sa kanila ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan at pagreresiklo.

Facebook Comments