Manila, Philippines – Umapela ang isang kongresista sa Duterte administration na kumilos para tuluyang maipabasura ang mga natitirang kaso ng Pinay OFW na si Jennifer Dalquez.
Si Dalquez na bagamat acquitted sa murder case ay magse-serve pa rin ng limang taon sa kulungan dahil sa umano’y pagnanakaw ng cellphone.
Ayon kay House Committee on Overseas Workers’ Affairs Acting Chairman Emmi de Jesus, dapat na makaisip ng iba pang paraan ang pamahalaan para tuluyang maibasura ang mga natitirang kaso into upang tuluyan ng makapiling ni Dalquez ang kanyang pamilya dito sa Pilipinas.
Naniniwala ang lady solon na hindi pa tapos ang laban ni Dalquez dahil patuloy pa rin itong nakabilanggo.
Dagdag naman ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na dapat ay makasama na ni Dalquez ang pamilya at mga magulang sa lalong madaling panahon dahil matagal na rin nila ng hinintay ang pagkakataon na mapawalang sala ito.
Sinabi din nito na nararapat lamang purihin at kilalanin ang efforts ng DFA, DOLE, Migrante Internationale, at iba pang grupo na nagsikap para maalis sa death row si Dalquez.