Ibang mga protected areas na tinayuan din ng imprastraktura, posibleng silipin din ng Senado

Pag-aaralan ni Senator Nancy Binay ang posibilidad na masiyasat din ang ibang mga protected areas sa bansa na tinayuan din ng imprastraktura tulad sa Chocolate Hills sa Bohol.

Ayon kay Binay, Chairperson ng Senate Committee on Tourism, kailangang maghain ng hiwalay na resolusyon para maimbestigahan na rin ang lahat ng mga protected areas na may mga itinayong imprastraktura.

Aniya pa, magandang silipin din ang ginagawa ng ibang bansa sa kanilang mga protected areas kung saan may mga inilalaan talagang lugar para mag-camping, mag-park ng sasakyan, mag-hiking at iba pa.


Sinabi ng senadora na ginagawa ang ganito sa ibang bansa dahil hindi maiaalis na bisitahin ng mga tao ang mga protected areas.

Matatandaang bukod sa Captain’s Peak Resort sa bayan ng Sagbayan sa Bohol ay natuklasan din ang iba pang imprastraktura na itinayo sa ibang bayan na nakakasakop din sa Chocolate Hills.

Maliban dito, tinukoy din ni Binay ang ibang protected area tulad ng Masungi Georeserve na may banta rin na pagtayuan ng wind farm project gayundin ang paglabag ng Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) na nakabuo na ng komunidad sa loob ng 300 ektaryang protected area sa Surigao del Norte.

Facebook Comments