Ibang miyembro ng gabinete, hindi dapat makisawsaw sa Recto Bank incident

Para kay Senator Richard Gordon, hindi dapat nakikisawsaw ang ibang miyembro ng gabinete sa naganap na pagbangga at pag-abandona ng Chinese vessel sa mga kababayang mangingisda sa bahagi ng West Philippine Sea.

Katwiran ni Gordon, hindi nakakabuti at sa halip ay nakakagulo lang sa isyu ang pagsasalita din ng ibang cabinet members tulad nina  Energy  Secretary Alfonso Cusi at Agriculture Secretary Manny Piñol.

Diin ni Gordon, ang dapat payagan lang ng Malakanyang na magsalita tungkol sa insidente ay sina Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin, Defense Secretary Delfin Lorenzana at Presidential spokesperson Salvador Panelo.


Para kay Gordon, hindi dapat guluhin ang isyu sa naturang insidente dahil malinaw na paglabag sa batas ang pag-abandona sa gitna ng karagatan ng Chinese vessel sa mga Pilipinong mangingisda.

Pinuna din ni Gordon na hanggang ngayon ay hindi man lang humihingi ng pasensya ang pamahalaan ng China at wala ding alok na kumpensasyon para sa binanggang Filipino fishing vessel.

Facebook Comments