Manila, Philippines – Pinasisilip ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa DENR ang ibang tourist destinations sa bansa.
Ito ay para masuri kung may mga paglabag sa environmental laws ang ibang mga tourist spots sa bansa tulad sa Boracay.
Ayon kay Barbers, natitiyak na hindi lamang sa Boracay ang mga paglabag sa environmental laws kundi posibleng may ganito ring sitwasyon sa ibang tourist destinations.
Aniya, ang clean-up operation ay dapat na simulan sa lahat ng mga tourist spots sa bansa upang mapanatili ang kagandahan ng lugar pati na rin ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga residente doon.
Pinatitiyak din ni Barbers sa lahat ng LGUs sa buong bansa na dapat masigurong hindi magdudulot ng problema at polusyon sa kapaligiran ang mga business establishments na pinayagang maitayo sa mga tourist destinations gaya ng nangyayari ngayon sa Boracay.
Bagamat 50 hanggang 60 porsyento ng mga establishments sa Boracay ay nakasunod naman sa requirement, nasa 51 establisyimento naman ang pinadalhan ng `notice for closure` dahil sa paglabag sa Clean Water Act of 2004 dahil sa kawalan ng wastewater treatment facilities.