Isa-isang inilatag ng mga tumatakbong senador ang kanilang mga agenda sa isinagawang forum ng Benita and Catalino Yap Foundation (BCYF).
Bawat senatoriables ay may kaniya-kaniyang inilatag na mga legislative agenda at unang sumalang dito si Dr. Carl Balita kung saan sa kaniyang pahayag, nais niyang matutukan ang ilang polisiya sa Micro Enterprises o ang maliliit na negosyo na hindi halos nasusuportahan ng gobyerno.
Sinabi naman ni Atty. Alex Lopez, nais niyang matutukan ang kasalukuyang dairy program ng pamahalaan na naglalayon na maiahon sa kahirapan ang halos apat na milyung magsasaka sa bansa na kumikita lamang ng higit ₱4,000 kahit pa nakakapagsaka sila ng higit isang ektarya ng lupa.
Nais naman ni dating Senador na si JV Ejercito na ayusin ang ilang mga polisiya sa ikinakasang pabahay ng gobyerno kung saan kaniyang iminumungkahi na magpatupad ng in-city housing ang bawat lokal na pamahalaan at gagamitin dito ang mga lupa na pag-aari ng gobyerno.
Plano naman ni Dr. Minguita Padilla na sakaling palarin ay agad niyang tututukan ang reporma sa ilang polisiya na ipinapatupad sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil aniya, kinakailangan na ayusin o baguhin na ang sistema nito na pinagmumulan ng korapsyon.
Muli rin iginigiit ni Atty. Chel Diokno na sakaling palarin, kaniyang tututukan ang kasalukuyang sitwasyon ng sistema ng hustisya sa bansa pagdating sa usapin sa paglabag sa karapatang pantao kung saan nagiging mabagal na ang takbo ng hustisya pagdating sa ganitong legal na usapin.
Sa panig naman ni Atty. Neri Colmenares, kaniya rin iginigiit na ipaglaban ang freedom of expression ng bawat Filipino at huwag idaan sa pananakot ang sinumang naglalabas ng saloobn tulad ng ginagawa ngayong red tagging ng militar na ginagamit ang public funds.
May kaniya-kaniya rin pahayag ang anim na senatoriables pagdating sa usapin ng kasalukuyang sistema ng edukasyon ng bansa kung saan lahat ay naniniwala na dapat tutukan at palakasin ng mga susunod na uupong opisyal ng bansa ang sistema ng edukasyon lalo na’t nahuhuli na ang Pilipinas kumpara sa kalapit na bansa.
Katuwang naman ng BCYF sa ikinasang forum para sa anim na senatoriables ang RMN Networks.