Iba’t ibang ahensya ng gobyerno, sanib-pwersa sa imbestigasyon kaugnay sa kumalat na deep fake audio ni PBBM

Nagsanib-pwersa na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para imbestigahan ang pagkalat ng pekeng audio na gamit ang boses ni Pangulong Bongbong Marcos (PBBM).

Dahil dito, agarang ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) na hulihin ang nasa likod ng pekeng audio message ng pangulo.

Habang, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa nasabing isyu.


Sa panayam ng RMN Manila, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Patricia Martin na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Security Council para sa imbestigasyon ng insidente.

“The DICT is looking at not just local hackers but also foreign hackers as well dahil nga hindi madali ang paggawa ng deep fake video na ito gamit ang AI so we are looking really at foreign itong mga malicious actions na ito.”

Nabatid na nabura na ang naturang video matapos maglabas ng pahayag ng Presidential Communications Office (PCO).

Una nang kumalat sa mga social media platform ang paggamit sa boses ni Pangulong Marcos na nagbibigay ng utos sa Philippine Navy hinggil sa pagpapaigting ng presensya ng militar sa West Philippine Sea.

Samantala, sinabi ni Scam Watch Pilipinas Co-Convenor Jocel De Guzman na karaniwang target ng mga kawatan ang public figures at celebrities, kung saan ginagamit ang kanilang imahe para sa mga malisyosong aktibidad.

“Paano natin malalaman na peke, ang problema sa mga kababayan natin, hindi na sila nagche-check, kung ano nakikita [nila] pinaniniwalaan na kaya ang daming fake news, ang daming mga biktima ng scam. Ang sinasabi ng Scam Watch Pilipinas, pagdating sa mga ganitong mga bagay, tatandaan natin na lahat ng public figures o mga celebrities, mga journalists, mayroon po silang kanya-kanyang channel.”

Facebook Comments