All systems go na ang lahat ng ahensya ng gobyerno para sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa June 30.
Sa press conference ng Subcommittee on Security, Traffic, and Communications sa Camp Crame, siniguro ni outgoing Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Ano na nakalatag na ang seguridad para sa inagurasyon ni Marcos.
Kabilang na rito ang pakakaroon ng Task Force Manila Shield o pagpapatupad ng mahigpit na checkpoint at pagpapatupad ng gun ban.
Giit nya, matapos makatanggap ng impormasyon, hindi nila hahayaang may manggulo sa inagurasyon lalo na ang mga Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA).
Hindi rin umano nila hahayaan na may mamahiya kay Marcos.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administation Lt. Gen. Rhodel Sermonia na sa kabila ng mga inaasahang pagkilos ay nakahanda aniya ang buong hanay ng PNP.
Bukod umano sa National Capital Region (NCR), mayroon ding unit mula sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, and Quezon (CALABARZON) at Central Luzon Police na naka-standby para sa augmentation.
Samantala ayon naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director MGen. Felipe Natividad, na magpapakalat sila ng mobile jail sakaling may mahuling manggugulo sa aktibidad.
Bukod sa pagpapakalat ng mga pulis, may nakalatag na rin ang traffic plan para sa inagurasyon.
Hinimok naman ni Sec. Año ang mga dadalo sa inagurasyon na dapat sila ay fully vaccinated pero hindi na nila kailangan pang magpakita ng vaccination card.
Kasama sa mga dumalo sa pulong kanina ang DILG, Presidential Security Group (PSG), PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire and Protection (BFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang concerned agencies.