Nagkaisa ang iba’t ibang ahensya sa Lungsod ng Dagupan upang palakasin ang kampanya laban sa pang-aabuso sa kabataan, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na maprotektahan ang mga bata laban sa karahasan at iba’t ibang anyo ng pang-aabuso.
Isinagawa ang programa kahapon, Pebrero 9, sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan, katuwang ang PNP Dagupan, DepEd Dagupan, Maaron Ina, Solo Parents, KATROPA, Teen Center personnel, Anti-VAWC Desk, at City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Binigyang-diin ni Councilor Tala Paras, Chairperson ng Committee on Women and Children, ang kahalagahan ng maagang pagbibigay-kaalaman sa mga bata, lalo na sa kampanyang “good touch” at “bad touch,” upang maiwasan ang mga kaso ng pang-aabuso.
Ayon sa lokal na pamahalaan, nasa humigit-kumulang 12,700 mag-aaral na ang naabot ng kampanya sa iba’t ibang paaralan sa lungsod.
Sa tulong ng magkatuwang na ahensya, patuloy na pinatitibay ang kampanya upang masigurong mailayo ang mga kabataan sa kapahamakan, karahasan, at lalo na sa sexual abuse, at mapanatili ang isang ligtas na kapaligiran para sa mga bata sa Dagupan City.






