
Nagpaabot ng pakikiramay ang United Nations (UN), European Union (EU) maging ang ilan pang bansa at nagpakita ng kahandaan na tumulong sa Pilipinas kasunod nang pagtama ng malakas na lindol sa Cebu.
Ayon sa United Nations (UN), kaisa ng pamahalaan ang UN na nagsasagawa rin ng assesment sa epekto ng lindol at tumutulong sa response at recovery efforts sa probinsya ng Cebu.
May mga tauhan na rin sa ground ang European Union upang alamin naman ang kinakailangang tulong pa ng mga naapektuhan ng pagyanig.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Canada sa Pilipinas sa mga Humanitarian partners maging sa international community para maghatid ng tulong sa mga biktima ng lindol.
Samantala, magpapadala rin ng tulong ang Estados Unidos, Taiwan, Malaysia kasabay naman ng ipinaabot na pagdadasal ng China, Japan, France, Maldives, at iba pang bansa.
Sa pinakahuling datos ng Office of the Civil Defense (OCD) Cebu, umabot na sa mahigit 70 ang bilang ng nasawi sa lindol habang halos 200 na rin ang naitalang sugatan.









