Handa na ang Manila Police District (MPD) sa ikakasang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo sa Liwasang Bonifacio.
Ito’y kasabay ng pag-gunita ng Bonifacio Day bukas, November 30, 2024.
Unang naglatag ng plano ang transport group na PISTON at Manibela, kung saan bukas ng umaga ay magkakasa sila ng protesta kasama ang ibang grupo sa Liwasang Bonifacio matapos manggaling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City.
Layunin ng kanilang protesta na tutulan ang franchise consolidation sa ilalim ng Public Transport Modernization Program.
Bagamat una nang sinabi ng PISTON na walang magaganap na tigil-pasada at tanging nationwide protest lamang, naghahanda pa rin ang MPD para maging maayos at walang problema ang isasagawang mga programa.
Sapat na bilang din ng mga tauhan ang ide-deploy para masiguro ang seguridad ng mga magkikilos-protesta sa nasabing lugar.
Matatandaan na nananawagan ang PISTON at Manibela na payagan sana silang makapag-renew, makapag-rehistro, at ibalik ang kanilang dating limang taon na prangkisa.
Giit ng grupo, hindi pa handa at hindi kakayanin ng ilang tsuper na makakuha ng mga modern jeep dahil kapos sila sa pondo kung saan nais sana nila na maging malinaw ang ilang patakaram ng naturang programa.