
Patuloy na ipinaglalaban ng iba’t bang grupo ang kanilang karapatan hinggil sa isyu ng West Philippine Sea.
Ito’y matapos ang palitan ng pahayag sa pagitan ng ilang opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Chinese Embassy, kaugnay ng isang insidenteng kinasangkutan ng umano’y pagtulong ng Chinese Navy sa isang Pilipinong mangingisda.
Ayon sa grupong Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY) hindi sila titigil para kalampagin ang tanggapan ng Chinese embassy at ipamukha sa mga ito na ang tunay na batayan ng karapatan ng Pilipinas ay ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) dahil mayroon itong kasunduan o treaty na nilagdaan kapwa ng Pilipinas at China.
Totoong ang paggamit ng terminong West Philippine Sea ay itinakda ng Administrative Order No. 29 noong 2012 ngunit mali ang ipalagay na dito nagmumula ang karapatan ng Pilipinas.
Sa ilalim ng UNCLOS, ang coastal state ay may eksklusibong karapatan sa pangingisda pagmimina ng likas-yaman, at pamamahala ng yamang-dagat ngunit walang karapatan ang ibang estado na magsagawa ng law-enforcement activities, military intimidation, o resource exploitation sa EEZ ng ibang bansa.
Samantala, nanawagan naman si Dr. Emeritus Jose Antonio Goitia sa gitna ng nagkakalat na maling pahayag at baluktot na batas, kailangang maging mapanuri ang bawat Pilipino dahil hindi lahat ng tila makatwiran ay totoo, at hindi lahat ng panawagan sa katahimikan ay naglilingkod sa kapayapaan.










