
Umaasa ang iba’t ibang grupo na babaligtarin ng Korte Suprema ang desisyon at maglalabas ng temporary restraining order laban sa pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Iginiit ng grupo na ang kontratang iginawad ng gobyerno sa isang pribadong kumpanya para isapribado ang NAIA ay paglabag sa karapatan ng mamamayan dahil hindi umano ito dumaan sa due process.
Hinaing ng grupo na posibleng tumaas ang presyo ng terminal fee at iba pang bayarin kasunod ng implementasyon ng Manila International Airport Authority’s (MIAA) Revised Administrative Order No. 1, Series of 2024, na magbibigay ng kapangyarihan sa New NAIA Infrastructure Corporation na magtaas ng mga singil sa serbisyo sa paliparan.
Naniniwala sila na hindi pagsasapribado ng NAIA ang solusyon sa problema dahil may pondo at kumikita naman umano ang paliparan.
Giit pa nila na ang nakukuhang pondo at kita ay dapat sana’y ginagamit para mapaganda pa ang mga pasilidad ng nasabing paliparan.









