Manila, Philippines – Mariing kinundena ng iba’t ibang militanteng grupo, religious sectors at mga labor groups ang sunod-sunod na nangyayaring patayan sa bansa.
Ayon kay Fr. Robert Reyes, mistulang mas mahalaga pa ngayon ang buhay ng mga hayop kaysa buhay ng tao na walang pakundangan pinapatay na lamang basta napagbibintangang gumagamit ng iligal na droga.
Ganito rin ang sigaw ang mga kabataan na dumalo sa rally sa harapan ng People Power Monument upang manawagan sa International Court of Justice na panagutin at imbestigahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nangyayaring patayan sa bansa.
Panawagan ng grupo, dapat managot si Pangulong Duterte sa walang awang pagpaslang sa walang laban na grade 11 student na si Kian Loyd Delos Santos na pinagbabaril umano ng mga pulis Caloocan ng walang kalaban-laban.
Sigaw ng grupo ay hustisya at managot sa batas maging si Pangulong Duterte dahil sa kampanya nito na giyera kontra sa iligal na droga na marami na umanong napapaslang na mga inosenteng walang kalaban laban.
Umapila rin ang grupo sa mga motorista na bumusina pagsapit sa harapan ng People Power Monument bilang simbolo ng kanilang pakikiisa para kundenahin ang nangyayaring mga patayan sa bansa.