Iba’t ibang grupo kontra Cha-Cha, nagkilos-protesta sa labas ng Kamara

Nagtipon-tipon sa labas ng Batasan Complex ang iba’t ibang progresibong grupo at organisasyon para tutulan ang dinidinig ngayon na Charter Change (Cha-Cha).

Bitbit ang mga placards ay nakalagay dito ang panawagan na “No to Cha-Cha”, “No to 100% Foreign Ownership”, “Bakuna hindi Cha-Cha” at iba pa.

Nababahala si Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na sa pagpapatawag ng Constituent Assembly para amyendahan ang Saligang Batas ay maaari nang gawin lahat ng Kongreso lalo pa’t karamihan ng mga mambabatas sa Kamara at Senado ay kapartido ng Pangulo.


Duda ang militanteng kongresista sa umano’y limitasyon sa Cha-Cha dahil pinangangambahan na maging daan ito para sa term extension ng Duterte administration at mga nakaupong kaalyado.

Iginiit naman ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na hindi kailangan ang Cha- Cha para solusyunan ang lumalalang krisis sa kalusugan at ekonomiya.

Bukod dito, bakuna at ayuda ang panawagan ng taumbayan at hindi ang Cha-Cha ngayong nasa gitna ng krisis sa kalusugan ang bansa.

Naniniwala pa ang kongresista na itinutulak ang Cha-Cha para sa pansariling interes ng iilan at isa na naman itong desperadong hakbang para manatili sa pwesto at kapangyarihan at tuluyang mapatahimik ang mga kritiko.

Facebook Comments