Iba’t ibang grupo, magsasagawa ng ‘trillion peso march’ sa People Power Monument sa Setyembre 21 matapos mabunyag ang mga palpak na flood control projects

Nanawagan ang Akbayan Reform Block sa sambayanan na suportahan ang kanilang isasagawang kilos-protesta sa Setyembre 21 sa People Power Monument sa EDSA.

Tinawag ng grupo ang protesta na Trillion Peso March bilang pagkundena sa multi-trillion flood control corruption.

Hinikayat naman ng Akbayan Reform Bloc sa Kongreso na binubuo nina Akbayan Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña at Dadah Kiram Ismula sa mamamayan na makiisa sa naturang kilos-protesta upang papanagutin ang mga nasa likod ng umano’y trilyong pisong anomalya sa flood control projects.

Agad namang nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang grupo gaya ng Simbahan at Komunidad laban sa Katiwalian (SIKLAB), Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT), Tindig Pilipinas, Akbayan Party, Kalipunan, at Nagkakaisang Labor Coalition sa malawakang rally.

Ayon kay Rep. Chel Diokno, pinakamalupit na uri ng pagnanakaw ang pandarambong mula sa pawis ng taumbayan kaya panahon na upang magkaisa laban sa korapsyon.

Ipinaalala naman ni Rep. Perci Cendaña na ang aktibidad na ito ay hindi lamang limitado sa kasalukuyang administrasyon kundi umabot din sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan bilyon-bilyong pondo ang ibinuhos sa mga proyektong flood control.

Tinuligsa rin niya ang tinatawag na “repeat plunderers” na patuloy umanong nang-aabuso sa kaban ng bayan at ginagawa nang normal ang pagnanakaw.

Samantala, sinabi ni Rep. Dadah Ismula na lantaran at malawakan ang nagaganap na korapsyon sa pamahalaan.

Pinili ng Akbayan at mga kaalyadong grupo ang EDSA bilang lugar ng protesta dahil sa kahalagahan nito sa kasaysayan.

Pero nilinaw naman ni 1Sambayan Convenor Atty. Howard Calleja na walang kulay politika ang isasagawang kilos-protesta.

Facebook Comments