Iba’t ibang grupo, nagkasa ng kilos protesta sa Maynila bilang pagpapakita ng suporta sa Palestine

Nagkasa ng kilos protesta ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Bayan sa kahabaan ng Kalaw Avenue sa lungsod ng Maynila.

Ito’y kasabay ng ikalawang anibersaryo ng tinawag na Al-Aqsa Flood kung saan inatake ng Israel ang Palestine na ikinasawi ng mga inosenteng residente.

Panawagan ng grupo na papanagutin ang Israel na suportado ng Amerika sa mga ginawa nilang pag-atake at pagpatay sa mga Palestino.

Bukod dito, mariin nilang kinokondena ang ginagawang pananakop ng Amerika na ginagamit ang ibang bansa kung saan dapat na arestuhin sina Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu at US President Donald Trump.

Kaugnay nito, kinokondena at ipinapanawagan nila na palayasin ang puwersa ng Amerika sa bansa dahil wala naman itong naidudulot na maganda sa bansa.

Hinarang naman ng mga tauhan ng MPD ang grupo na nagtangkang makalapit sa US Embassy habang pansamantalang sarado ang bahagi ng Kalaw Avenue mula Del Pilar hanggang Roxas Blvd.

Facebook Comments