
Nagkasa ng kilos-protesta ang iba’t ibang militanteng grupo ngayong araw sa harap ng House of Representatives, kasabay ng nakatakdang pagbotohan at ratipikahan ng pambansang pondo para sa 2026.
Panawagan ng mga nagprotesta na ibasura ang umano’y pork barrel at mga pondo na itinuturing nilang hindi makatuwiran sa national budget para sa susunod na taon.
Ayon sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), may pagkakasabwatan umano sa pagitan ng Malacañang at ng Kongreso na naglalagay ng pork-barrel–style allocations sa badyet, kabilang ang inilaang pondo para sa mga mambabatas, unprogrammed appropriations, confidential funds, at malaking infrastructure allocations.
Giit ng mga nagprotesta na ang ganitong uri ng pondo ay malaking pinagkukunan ng katiwalian sa bansa at dapat i-prioritize ang pondo sa mga serbisyong panlipunan.
Lumahok din sa kilos-protesta si Kabataan Partylist Representative Rene Co, na nagbanggit ng pagtaas ng pork-barrel style funds sa panukalang pambansang pondo para sa 2026.
Samantala, binigyang-diin naman ni Cristina Palabay, Secretary General ng KARAPATAN, na ang kasalukuyang budget ay itinuturing nilang pagtalikod sa tunay na pangangailangan ng mamamayan. Tinawag ng grupo ang 2026 national budget na “anti-people” at nanawagan na ilaan ang pondo sa mga serbisyong panlipunan kaysa sa diumano’y korapsyon at pasismo.
Ang nakatakdang pambansang badyet, na inaprubahan ng Bicameral Conference noong December 28, ay nasa humigit-kumulang ₱6.739 billion, na tinawag ni Senator Win Gatchalian bilang “people-centered” budget.









