
Nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo, kabilang ang Filipinos Do Not Yield Movement, sa tapat ng tanggapan ng Chinese Embassy upang kondenahin ang umano’y mapanganib at hindi makataong aksyon ng Chinese Maritime Forces laban sa mga Pilipinong mangingisda sa Escoda Shoal.
Ayon sa mga nagprotesta, marahas at mapanganib ang paggamit ng water cannon at ang patuloy na pangha-harass ng mga barko ng Tsina laban sa mga mangingisdang Pilipino na malinaw umanong nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Giit ng grupo, ang naturang mga aksyon ay hindi lamang tahasang paglabag sa soberanya ng bansa kundi direktang banta rin sa buhay, kaligtasan, at kabuhayan ng mga mangingisda.
Binigyang-diin pa nila na sa ilalim ng international law, ang pag-atake sa mga sibilyang mangingisda ay maaaring ituring na hindi tuwirang pagpapahayag ng digmaan, na may mabigat na implikasyong legal at moral.
Sa isinagawang lightning rally, nagsagawa ang mga grupo ng die-in protest, winasak ang effigy ng isang barko ng Chinese Coast Guard, at pinunit ang kartong bandila ng Tsina bilang simbolo ng kanilang pagtutol sa mga aksyon ng China sa West Philippine Sea.









