Kumpiyansa ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 na makikinabang ang mga nasa malalayo at liblib na mga lugar sa bansa sa mga handog na kagamitan ng Australian government.
Ayon sa National Task Force Against COVID-19, nagbigay ang Pamahalaan ng Australia ng nasa 4,400 na mga digital tablet at wireless keyboards para sa mga data managers at encoders sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Ipinaraan ng Australia ang naturang donasyon sa pamamagitan ng World Health Organization o WHO upang makatulong sa nagpapatuloy na COVID response ng pamahalaan.
Ayon kay Dr. Graham Perry Harrison, Officer-In-Charge ng WHO sa Pilipinas, ipamamahagi ang mga naturang kagamitan sa mga malalayo at liblib na rehiyon sa bansa lalo na iyong nahihirapan sa data sharing, supply chain management at inventory monitoring.
Ipinaabot naman ni NTF COVID Strategic Communication on Current Operations Asec. Wilben Mayor ang taus-pusong pasasalamat ni Chief Implementer Sec. Carlito Galvez sa Australian government, UNICEF at WHO sa kanilang walang patid na pagsuporta sa Pilipinas.