Iba’t ibang klase ng ilegal na droga, nakumpiska ng PDEA sa isang commercial storage facility sa Taguig

Nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sari-saring illegal drugs at mga drug paraphernalia mula sa isang commercial self-storage facility sa Western Bicutan, Taguig City .

Kilala ang mga self-storage facilities na paboritong rentahan ng ilang indibidwal dahil mayroon itong enclosed at secure storage rooms para maitago pansamantala ang kanilang mga pag-aari.

Sa bisa ng isang letter of authority, sinalakay ng Bureau of Customs-Anti-Illegal Drug Task Force, National Intelligence Coordinating Agency, PNP Southern Police District, PDEA Intelligence Service and Investigation Service, at PDEA Special Enforcement Service K9 Unit ang nasabing commercial self-storage facility.


Nakumpiska sa operation ang MOL 500 grams ng suspected cocaine na may estimated value na ₱2,000,000.00; sari-saring E-cigarette o vape cartridges na may kargang suspected marijuana oil; MOL 30 grams ng suspected kush marijuana na may estimated value na ₱ 45,000.00.

Nakuha rin dito sa nasabing pasilidad ang transparent glass at plastic tube containers na naglalaman ng marijuana oil; iba’t ibang ziplock bags na may mga latak o residue ng mga suspected illegal drugs; mga assorted drug paraphernalia; at iba’t ibang identification cards.

Inihahanda na ng PDEA ang kasong paglabag sa sections 11 at 12 ng Article 2 ng R.A. 9165 laban sa mga may-ari ng naturang mga illegal drugs.

Facebook Comments