Hindi mo na kailangang bumiyahe pa ng Japan upang malasahan ang premium ceremonial matcha, dahil hatid na ito ng Agkapita – The Viral Coffee Shop sa bayan ng Mangatarem, Pangasinan.
Higit pa sa karaniwang inumin, tampok sa Agkapita ang iba’t ibang matcha-based creations na pinagsama ang tradisyonal na lasa at malikhaing timpla para sa iba’t ibang panlasa.
Inirerekomenda ang Matcha Latte, na nagbibigay-diin sa natural at tunay na lasa ng matcha. May lokal na twist din gaya ng Banana Brulee Matcha, na inspirasyon mula sa paboritong banana con yelo. Para naman sa mga nais ng nutty flavor, naroon ang Matcha Almond, gamit ang ceremonial grade matcha para sa mas pinong timpla.
Hindi rin pahuhuli ang kakaibang Mango Matcha, kung saan nagsasanib ang tamis ng hinog na mangga at earthy taste ng tsaa. Samantala, agaw-pansin din ang Tiramisu Matcha Latte, na may layer ng tiramisu cake sa ibabaw. Para sa mas maraming pagpipilian, may non-matcha variant din nito.
Ayon sa may-ari na si Mawi Rillorta, layunin ng Agkapita na maiparanas sa kanilang mga customer ang premium quality matcha mula Japan habang nagiging espasyo rin ang café para sa pagpapahinga at bonding.
Bukod sa kanilang inumin, dinarayo rin ang Agkapita dahil sa tanawin ng malalawak na palayan at mountain views na nagsisilbing perpektong backdrop para sa mga mahilig mag-selfie. Sa loob naman ng café, libreng ma-eenjoy ng pamilya at barkada ang iba’t ibang board games para sa mas masayang karanasan.
Ngayong Ber Months, tiniyak ng Agkapita na marami pang bagong sorpresa at aktibidad ang dapat abangan ng kanilang mga suki. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









