Puspusan na ang pag-uusap ngayon ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno kaugnay ng ipinupursigeng ‘Balik Probinsya’ program ni Senador Bong Go.
Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, pokus ng pagpupulong ay ang pagbuo ng long term plan para sa naturang proposal ng mambabatas na makakapag-decongest sa Metro Manila.
Sinabi ni Roque, maraming interesado sa nasabing mungkahi at sa katunayan ay dinadagsa na sila ng mga katanungan tungkol dito.
Giit pa ng kalihim, ‘wag mawalan ng pag-asa ang mga nagnanais na makabalik sa kani-kanilang mga lalawigan dahil hinahanapan na ng paraan ng pamahalaan para maisakatuparan ang nasabing panukala.
Bukod sa target na mapaluwag ang Kamaynilaan, una nang sinabi ng senador na sa pamamagitan ng ‘Balik Probinsya’ ay magkaroon ng pantay-pantay na economic development o economic growth at dagdag trabaho ang iba’t ibang rehiyon sa bansa.