Sisingilin ng iba’t ibang militanteng grupo si Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na State of the Nation Address (SONA) nito sa Lunes, July 27, 2020 kung saan bigo umano ang Pangulo na tuparin ang mga pangako nito sa mga manggagawa.
Ayon kay Federation of Free Workers President Atty. Sonny Matula, marami nang kapalpakan na ginawa ang Pangulo, nandiyan na umano ang hindi magandang paghawak nito sa usapin ng COVID-19 kung saan pinababayaan nito ang mga manggagawa na mawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemic.
Ang pinakamasama pa nito sa halip aniya na mabigyan ng trabaho, tinanggal pa umano nito ang mahigit 11 libong mga empleyado ng ABS-CBN.
Sinubukan din umano nilang makipagdayalogo sa mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngunit hinarang naman sila ng mga pulis.
Dagdag pa ni Atty. Matula, dismayado sila dahil walang sapat na resources ang pamahalaan para sa wage subsidies sa mga manggagawa at maging ang kanilang social protection program na dapat nakalaan sa mga manggagawang Pilipino.
Ang grupo ay magmamartsa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue upang iparating sa Pangulo ang kanilang pagkadismaya sa mga pangako nitong noong nangangampanya pa lamang sa pwesto.