Ikinakasa na ng ilang grupo ang kanilang gagawing kilos-protesta sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos sa July 24.
Sa press conference kanina sa Maynila, humarap ang mga lider ng Kilusan para sa Pambansang Demokrasya, Workers for People’s Liberation, LUPA-Pilipinas, Reclaim Marawi Movement, at iba pang grupo.
Ayon sa mga ito, isang taon na sa pwesto si Pangulong Marcos at Vice President Sara Duterte at isang taon na rin umanong nakokompromiso ang kapakanan ng mga Pilipino.
Isa rin sa kanilang mga pinuna ay ang pagkakalubog sa utang ng Pilipinas na halos nasa P14 trillion na.
Nakokompromiso rin anila ang soberanya ng bansa dahil tila naiipit ang Pilipinas sa US at China, gayundin ang patuloy na pangbu-bully ng China sa mga mangingisda sa Exclusive Economic Zone (ECC) ng bansa.
Giit pa ng grupo, tila nasintensyahan ng kamatayan ang agricultural sector ng bansa mula nang tumayong kalihim ng Department of Agriculture si Pangulong Marcos.
Nandiyan pa rin kasi anila ang manipulasyon sa presyo, kartel, smuggling sa produktong pang-agrikultura tulad ng bigas, karne ng baboy, at sibuyas.