Iba’t ibang militanteng grupo, nagsagawa ng kilos protesta sa lungsod ng Maynila

Nagkasa ng kilos protesta ang iba’t ibang militanteng grupo sa labas ng Manila City Hall.

Ito’y kasabay ng pagdiriwang ng ika-158 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio ngayong araw.

Kasama sa mga nagprotesta ang grupo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod, Partido Lakas ng Masa, Spark, Laban ng Masa, Natures First Coalition, Kamaynila at women’s group na Oriang.


Ang isinagawang pagtitipon ay upang ipaabot ang mga hindi nasolusyunang problema ng bansa kabilang na rito ang pagkakaroon ng korapsyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Bukod dito, kanilang ring iginigiit ang pagkakaroon ng mas malalang problema sa ayuda, trabaho, pabahay, kalikasan kabuhayan at kalusugan.

Panawagan din nila sa bawat Pilipino na panahon na para magkaisa upang matigil na ang mapagsamantalang mga opisyal ng kasalukuyang administrasyon kung saan wala na raw ibang inisip ang mga ito kung hindi ang magpayaman.

Kanila ring ipinagsisigawan na dapat pag-isipang mabuti ng bawat Pilipino ang kanilang iboboto para sa nalalapit na halalan.

Ayon kay Chad Sadorra ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, plano ng mga grupo na magtungo ng Mendiola pero naharang ng mga pulis ang truck na gagawin sana nilang stage kaya’t nanatili na lamang sila sa labas ng Manila City Hall.

Facebook Comments