Umarangkada na ang iba’t-ibang aktibidad ng International Women’s Day.
May tema ngayong taon na “Be Bold For Change” kung saan bawat bansa ay may mga iba’t-ibang paraan ng pagdiriwang.
Maraming bansa din ang nagsagawa ng kilos protesta bilang panawagan sa tamang pasahod at tamang pagtrato sa mga kababaihan.
Dito sa Pilipinas, nagsagawa ng aktibidad ang ilang grupo gaya ng pagbibigay ng libreng gupit at beauty make-over sa mga kababaihan.
Nagbigay din ng libreng sakay ang pamunuan ng LRT 2 at MRT 3 sa mga kababaihan.
Samantala sa pagharap ni Vice President Leni Robredo sa Miriam College, sinabi nitong hindi dapat matakot ang mga kababaihan na patuloy na ipaglaban ang kanilang karapatan at kalayaan na marinig ang kanilang hanay.
Sa interview ng RMN kay Honey Castro, Information Resource Management Division ng Philippine Commission on Women, mahalaga ang selebrasyong ito dahil dito mas nabibigyan pansin ang mga isyu at kapakanan ng mga kababaihan.
Nagsimula ang Women’s day noong 1908 kung saan mahigit na 15,000 na mga kababaihan ang nagprotesta sa New York City na nanawagan ng karapatang bumoto, tamang pabayad at ang pagpapaikli ng oras ng kanilang trabaho.
Taong 1913 ng pormal ng kinilala ang araw na ito bilang International Women’s Day.
Facebook Comments