Iba’t ibang raket sa PhilHealth, isiniwalat sa pagdinig ng Senado

Sa pagdinig ng Senado ay inilantad ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang iba’t ibang raket para gatasan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Binanggit ni Zubiri ang pagbabayad ng mga healthcare institutions ng isang libong piso sa magpapanggap na pasyente para makakuha sa PhilHealth ng reimbursement sa malubha o seryosong karamdaman.

Kasama rin sa modus ang “upcasing” o pagpapalala sa sakit para malaki ang mai-charge sa Philhealth.


Ayon kay Zubiri, mayroon ding “ghost patient” na madalas ay ginagawa ng mga dialysis center kung saan kinukubra pa rin sa PhilHealth ang hindi nagamit na dialysis session para sa mga pasyente na pumanaw bago pa matapos ang 90 araw nilang dialysis.

Dismayado si Zubiri na hindi napapanagot ang mga tiwaling healthcare institutions kaya’t sinisi niya si PhilHealth SVP for Legal Sector Atty. Rodolfo del Rosario Jr. na inuupuan lang umano ang mga kaso.

Kinuwestyon naman ni Senator Francis Tolentino kung bakit kasama pa rin sa database ng PhilHealth ang mga miyembrong mahigit 100 taong gulang na pumanaw na at bakit mayroon itong mga miyembro na mga bata at walang pang 60 taong gulang pero nakadeklara bilang senior citizen.

Paliwanag naman ni PhilHealth President Ricardo Morales, nasa proseso pa rin sila ng paglilinis sa database na naglalaman ng 109 milyong miyembro nito.

Sa hearing ay muli ring inusisa ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pag-release ng PhilHealth sa 48 dialysis center ng 231 million pesos na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) fund para sa COVID-19 reponse.

Natuklasan ni Lacson na 45 million pesos dito ay inirelease sa B Braun Avitum Dialysis Center na hindi nakarehistro sa Securities and Exchange Commission at hindi rin pang-COVID-19 patients.

Paglilinaw naman ni Del Rosario, ang IRM fund ay hindi lang nakalaan para sa mga COVID-19 cases at hindi rin totoo na bilyun- bilyong piso mula rito ang ibinulsa ng ilang PhilHealth Officials.

Facebook Comments