Iba’t ibang sangay ng pamahalaan, nagpupulong ngayong araw upang masolusyunan ang mga LSI sa Metro Manila

Pinagpupulungan ngayon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pagbibigay solusyon o pagpapauwi sa Locally Stranded Individuals (LSI) na naipit sa Metro Manila magmula noong ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso 2020.

Ayon kay Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo, target nilang mapauwi sa lalong madaling panahon ang mga LSI lalo pa’t naubos na ang pera ng mga ito matapos ma-stranded sa Metro Manila nang ilang buwan.

Sinabi ni Encabo na nakikipag- ugnayan na ang mga kinatawan ng Department of Transportation at Civil Aviation Authority of the Philippines sa mga airline company upang ma-i-schedule ang mga mercy flight ng mga LSI.


Habang ang Department of Social Welfare and Development, Armed Forces of the Philippines at Office of the Special Assistant to the President ang siyang nakatoka sa pagkain ng mga ito.

Pagkakalooban din aniya ang mga LSI ng cash assistance.

Paliwanag ng opisyal, hindi kasi maaaring isakay sa C-130 at government vessels ang mga LSI dahil bukod sa limitado, gamit gamit din ang mga nabanggit na government assets sa pagtugon sa COVID-19 pandemic o bilang mga quarantine facility.

Sa oras na lumabas na negatibo mula sa COVID-19 ang mga LSI ay makikipag- ugnayan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kanilang mga uuwiang probinsya nang sa ganon ay maging handa ang tatanggap na Local Government Unit.

Nitong mga nakalipas na araw, nag-trending ang ilang mga larawan ng LSI na natutulog sa may bahagi ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) expressway at mga footbridge dahil sa kagustuhang makauwi na sa kani-kanilang mga probinsya.

Facebook Comments