Nanawagan sa mga senador ang iba’t ibang grupo ng mga manggagawa sa gobyerno na maglaan ng sapat na budget sa 2024 para sa pagtaas ng kanilang suweldo at iba pa nilang mga pangangailangan.
Ito ang joint statement ng mga union at federations sa ilalim ng All Phillipines Public Service Union, sa harap ng gagawin na period of amendments ng Senado bukas para sa panukalang ₱5.7-trillion na 2024 national budget ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
At bago naman ito tuluyang isalang sa bicameral conference committee sa linggong ito.
Mula sa panukalang ₱94 billion na Miscelleneous Personnel Benefit Fund o MPBF sa National Expenditure Program para sa 2024, nasa ₱24 billion lang ang inaprubahan sa Kamara bilang standby fund para sa pagtaas ng sahod, benepisyo at mga posisyon sa staffing.
Dagdag pa ng mga manggagawa na nahaharap ang bansa sa mas mahirap na panahon sa susunod na taon dahil sa patuloy na pagtaas ng inflation lalo’t matagal ng walang wage increase sa kanilang hanay.