
Nagsama-sama ang mga nasa 100 unyon ng mga manggagawa mula sa iba’tibang kompaniya at federations para ikasa ang “workers challenge 2025.”
Layunin nito na hamunin ang mga tumatakbo sa 2025 midterm elections na sagutin ang ilang mga isyu at katanungang may kaugnayan sa sitwasyon ng mga ordinaryong manggagawa.
Plano nilang magpadala ng sulat sa mga kandidato partikular ang mga tumatakbo sa pagkasenador, congressman at party-list group para ipaalam ang ilang mga katanungan.
Ilan dito ay isyu sa national living wage, pagwawakas sa kontraktwalidasyon, at palakasin ang karapatan ng manggagawa nang naaayon sa konstitusyon.
Paliwanag nila, ito ang mga katanungan o isyu na kasalukuyang kinahaharap ng ordinaryong manggagawa.
Muli nilang iginigiit na dapat nakatutok ang mga kumakandidato sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa lalo na’t hirap ang kalagayan ng mga ito sa ngayon.
Plano naman nila na ilabas o ipakita sa publiko ang mga pangalan ng kandidato na kumasa sa kanilang hamon bago ang May 12, 2025 o mismong araw ng botohan.