
Nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National Police Maritime Group (PNP-MG) at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasa 88 buhay na ibon sa isang anti-wildlife trafficking operation sa Marikina City, nitong June 23, 2025.
Batay sa ulat sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay sa bisa ng Search Warrant na inilabas ng korte dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Sa loob ng bahay ng suspek, tumambad ang iba’t ibang uri ng ibon gaya ng Green Cheek Conure at Love Birds.
Nang hingan ng permit ang suspek wala itong maipakita kung kaya’t agad itong inaresto at kinumpiska ang mga hayop.
Tinatayang nasa ₱77,000 ang halaga ng mga nasamsam na wildlife species.
Dinala ang suspek sa Camp Crame para sa imbestigasyon habang ang mga ibon naman ay inilipat sa Biodiversity Management Bureau ng DENR para sa tamang pangangalaga.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang suspek sa Office of the City Prosecutor ng Marikina.









