Iba’t ibang uri ng vintage na pampasabog, narekober sa isang paaralan!

*Cabagan, Isabela- *Narekober ng mga otoridad ang nasa walong piraso ng Grenade Launcher at labingwalong piraso ng Hand grenade pasado alas tres ng hapon kahapon partikular sa likod ng Delfin Albano High School-Main sa Brgy. Catabayungan, Cabagan, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay SPO1 Jose Pinugo Jr., imbestigador ng PNP Cabagan, lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na dati na itong natagpuan sa ginagawang construction site subalit hindi lamang agad nai-report sa kanilang himpilan.

Kaugnay nito ay muli lamang nakita kahapon ang labing pitong pampasabog nang tanggalin ng mga construction worker ang kanilang mga hinukay na lupa sa inaayos na eskwelahan.


Posible rin umano na mga bomba pa ito noong World War II dahil na rin sa kinakalawang na itsura at sa tagal na ring nakabaon sa lupa.

Dinala na sa Cabagan Police Station ang mga narekober na pampasabog at nakatakda itong iturn-over sa Camp Melchor F. Dela Cruz sa Upi, Gamu, Isabela.

Facebook Comments