Tiniyak ng Malacañang na naka-preposition na ang tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng Bagyong Jolina.
Ito ay matapos ang limang beses na mag-landfall ang bagyo sa Samar at Masbate.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakapuwesto na ang tulong ng gobyerno lalo na sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin ang mga evacuation center para sa mga inilikas na residente.
Kasabay nito, nanawagan si Roque sa mga evacuation center na mahigpit pa ring pairalin ang minimum health protocol.
Bagama’t sanay na aniya ang mga Pilipino sa hamon ng kalamidad, dapat pa ring mag-ingat sa COVID-19.
“Naka-preposition na po ang ating magiging tulong galing sa DSWD. nakahanda po ang ating mga centers na paglilipatan kung kinakailangan lumikas sa mga tinitirahan. Handa rin po ang ating mga health protocols sa mga health centers na iyan. At ang sinasabi ko po, sanay na po tayo sa mga paghamon dahil po sa bagyo at sa ulan eh paigtingin lang po natin iyong mga health protocols lalung-lalo na kung pupunta po tayo sa mga evacuation centers. Pero handa po tayo, nandiyan po lahat ng tulong, naka-preposition na.” ani Roque